Police in Virac, Catanduanes confirmed the death of an airport personnel during the heavy rains caused by the shearline.

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng kapulisan sa Virac, Catanduanes ang pagkamatay ng isang airport personnel dahil sa malakas na pagbaha na dulot ng shearline.

Ayon kay Virac Municipal Police Station Chief Investigator Police Corporal Jeffrey Pantino sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nalunod at namatay ang 32-taong-gulang na lalaki habang sinusubukang tumawid sa malakas na agos ng baha sa Barangay Bigaa ng nasabing bayan.

Batay sa kanilang imbestigasyon, napag-alaman na pinilit ng biktima na tumawid sakay ng kanyang motorsiklo sa halos hanggang baywang na baha upang maka-uwi sa kanyang pamilya.

Dahil sa lakas ng baha, natumba ang biktima na naging sanhi ng pagtama ng kanyang ulo sa isang matigas na bagay kaya hindi siya nakabangon agad hanggang sa malunod.

Hinala rin ng opisyal na maaaring hindi inaasahan ng lalaki ang biglaang pagtaas ng tubig batay sa mga pahayag ng mga residente sa lugar.

Nagawa pang mailigtas ang biktima ng mga nakasaksi sa pangyayari at isinugod sa Eastern Bicol Medical Center ngunit agad din itong idineklara ng doktor na sumuri sa kanya na dead on arrival.

Pinaalalahanan ni Pantino ang kanilang mga residente na laging mag-ingat lalo na kung may nararamdamang masamang panahon upang maiwasan ang mga kaparehong insidente.