LEGAZPI CITY-Nanawagan ang isang grupo ng mga magsasaka sa gobyerno na magpatupad ng mga pangmatagalang solusyon para sa sektor ng agrikultura, sa halip na “pansamantalang tulong o ayuda lamang.”
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa isang panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hinahanap pa rin sa ngayon ng mga magsasaka ang tulong na palagiang ipinapangako ng gobyerno at ng administrasyong Marcos.
Sa kasalukuyan, nakikita ng sektor ang pangangailangang itaas ang presyo ng palay dahil marami na ang nakapag-ani, ngunit nasa P15-P16 lamang ang presyo nito sa ilang lugar, partikular sa Central Luzon.
Sinabi ni Estavillo na sa ganitong presyo, labis na nalulugi sila dahil sa gastos sa produksyon at mataas na presyo ng langis.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi naniniwala ang karamihan sa mga magsasaka sa ayuda dahil halos wala silang natatanggap na tulong, o kaya naman ay piling-pili lamang ang mga nakatatanggap nito.
Aniya, isa lamang itong “band-aid solution” o pansamantalang lunas na walang epekto sa tindi ng pinsalang dulot ng bagyo—na umaabot sa halos P4.3 bilyon—at sa pinsala sa produksyon.
Sinabi niya na hindi maaaring balewalain ang 100,000 pamilya ng mga magsasaka na apektado at nakararanas ng gutom, habang baon sa utang dahil sa mataas na presyo ng mga produkto, gastos sa produksyon, at mababang presyo ng palay.
Sinabi niya na kailangan ngayon ng mga magsasaka ng kompensasyon at mga subsidiya sa produksyon upang makapagtanim at makapag-ani muli bago pa man dumating ang mga kalamidad.
Binatikos din ng grupo ang pagbiyahe ng administrasyong Marcos sa ibang mga bansa upang palakasin ang seguridad sa pagkain sa bansa; anila, hindi naniniwala ang administrasyon sa kakayahan ng mga magsasakang tugunan ang pangangailangan sa pagkain at sa halip ay umaasa lamang sa mga inaangkat na mga produkto.











