LEGAZPI CITY- Personal na bumisita si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa lungsod ng Legazpi sa lalawigan ng Albay upang pangunahan an voter registration sa isang unibersidad sa lungsod.

Matatandaan na sinimulan na kahapon, Nobyembre 10 ang muling pagbubukas ng voters registration para sa 2028 national elections.

Sa kaniyang pahayag, binanggit ng opisyal an mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagpili ng mga bagong lider ng bansa.

Aniya, sa 71 million na mga botante sa Pilipinas ay tinatayang nasa 45 million ang mga kabataan at mas lalaki pa umano ito sa pagpapatuloy ng pagpaparehistro sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Garcia na kumpiyansa siya na mauulit ang nangyari noong 2025 elections kung saan 81.65% ang voter turnout kung saan inaasahang mas tataas na percentage ng mga kabataan sa 2028 national elections.

Dahil dito ay hinikayat ng opisyal ang mga ito na magparehistro at bumoto sa darating na halalan upang mailuklok sa posisyon ang mga karapat dapat at tamang lider.