Barangay asin Sanguniang Kabataan Elections

LEGAZPI CITY—Iginiit ni Kontra Daya Convenor Dr. Danilo Arao na walang pagpapahalaga ang mga mambabatas na gustong ipagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.

Ayon kay Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na dapat may ginawa nang halalan noong 2025 ngunit naantala dahil sa umano’y mga magastos, gayundin na ‘polarizing’ dahil sa katatapos lamang ng midterm elections. Kaugnay nito, isang panukalang batas ang isinumite para gawin ito sa Nobyembre 2026 ngunit muling inayawan dahil sa gastos.

Sa nasabing panukalang batas, inaprubahan din ng House of Representatives ang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at SK sa limang taon.

Ipinaliwanag ni Arao na hindi ito katanggap-tanggap dahil pinalawig pa nito ang termino at ipinagpapaliban pa, na para sa kanya, ay tila nasa ‘forever’ nang nasa holdover position ang sinumang kasalukuyang nakaupo sa barangay at SK.

Kinuwestiyon din nito kung ano ang mangyayari sa SK level kung ang mga SK officials ay posibleng overage na at ang ilan sa mga kabataan dito ay nasa kolehiyo na at kailangang mag-aral.

Binigyang-diin nito na walang pakialam at walang pagpapahalaga ang mga opisyal na nagnanais ng postponement ng BSKE bukod pa sa mga gusto na pahabain pa ang termino ng mga opisyal dito.

Dagdag pa ni Arao, na kahit saan tingnan ay hindi ito magandang eksena dahil kinukompromiso nito ang karapatan ng mga mamamayan na bumoto para sa mga susunod na pinuno ng Barangay at SK.