Iniimbestigahan na ngayon ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Lapu-Lapu City, Cebu ang insidente kung saan makikita sa isang video ang isang 60-anyos na lola na inilulubog sa baha ang kanyang 12-anyos na apo sa Sitio Balanghoy, Barangay Gun-ob sa nasabing lungsod.
Bagamat nangyari pa ito noong Marso, muling lumutang ang video at marami ang nagpahayag ng pagkondena sa ginawa ng lola.
Ayon sa CSWDO, nagpadala sila ng mga tauhan upang magsagawa ng imbestigasyon.
Sa kanilang pag-uusap sa lola, inamin nito na nawalan siya ng pasensya sa asal ng kanyang apo at ginawa lamang niya iyon upang disiplinahin ang bata.
Kasalukuyan nang sinusuri kung kinakailangan munang ilayo ang bata sa kanyang lola.
Ayon sa CSWDO, ibabase nila ang kanilang desisyon sa kung ano ang tunay na makakabuti para sa bata.