LEGAZPI CITY—Patay ang isang lalaki matapos sumalpok sa isang barrier ang kanyang sinasakyang motorsiklo at tumilapon sa kanal sa Sitio Nawang, Barangay Sta. Teresa, Malilipot, Albay.

Kinilala ang biktima na isang 59-taong gulang at residente ng Barangay Cavit, Manito, Albay.

Ayon kay Malilipot Municipal Police Station Chief of Police, Police Captain Alex Alcantara, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ayon sa mga kaanak ng biktima ay nakakatulog minsan umano ito habang nagmamaneho kung kaya sa oras na iyon ay posibleng inabot ng antok ang biktima.

Aniya, dahil dito posibleng naapakan ng biktima ang silinyador ng sasakyan na nagresulta sa biglaang pagtawid nang mabilis nito sa kalsada at nagdire-diretso sa kanal sa nasabing lugar.

Dagdag pa ng opisyal, idineklarang dead on arrival ang biktima nang isugod sa ospital sa lungsod ng Tabaco.

Aniya’y kahit na nakasuot ng helmet ang biktima, posibleng naging malakas ang impact nito nang mahulog sa kanal na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Sinabi ni Alcantara na walang ibang indibidwal ang nadamay sa insidente.

Samantala, base sa assessment ng kanilang tanggapan, bumaba ang bilang ng mga aksidente sa kanilang bayan kumpara sa mga nakaraang buwan at taon.

Nagbabala rin ang opisyal sa mga motoristang dadaan sa bayan ng Malilipot na mag-doble ingat at kung sakaling may mahabang biyahe ay tiyaking may sapat na tulog at pahinga para maiwasan ang mga ganitong insidente.