ACT Teachers Partylist Representative Castro
ACT Teachers Partylist Representative Castro

LEGAZPI CITY—Hinimok ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Representative France Castro ang Commission on Elections na magdesisyon pagkatapos ng limang araw na iproklama ang mga ‘deserving’ partylist bago ang Hunyo 30, 2025.

Matatandaang kinansela ng Second Division ng Commission on Elections ang registration ng Duterte Youth partylist.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Congresswoman France Castro, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na posibleng pumalit sa Duterte Youth partylist ay ang Gabriela Women’s Party at isa pang partylist.

Sinabi ni Castro na tila niloloko ng Duterte Youth partylist ang mamamayan dahil hindi ito kumakatawan sa kabataan at ginamit lamang ito bilang mouthpiece ng pamilya Duterte sa Kongreso.

Dagdag pa niya, kung titingnan ang track record ng nasabing partylist, wala silang naipasa na batas maging isa man na principal author sa anim na taon nitong panunungkulan.

Wala aniyang ginawa ang Duterte Youth partylist kundi ang mang-red tag at sirain ang mga progresibong partylist sa Kongreso.

Binigyang-diin ni Castro na tanging mga karapat-dapat na partylist na nagtatrabaho at kumakatawan sa marginalized sector ang dapat iproklama ng komisyon.

Samantala, mensahe naman nito sa sa publiko na asahan nila ang patuloy na pagsusulong ng mga pagbabagong may kinalaman sa partylist system sa bansa.