LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang Philippine Coast Guard District Bicol para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Coast Guard Ensign Dwan Grace Detoyato, tagapagsalita ng Coast Guard District Bicol, nasa 550 personnel mula sa ahensya ang nakatakdang i-deploy sa iba’t-ibang lalawigan sa rehiyon para sa eleksyon.

Ito ay upang magbigay seguridad at ligtas na biyahe sa pantalan para sa mga uuwing biyahero.

Ayon kay Detoyato, mas mahigpit ang ipapatupad ngayon na seguridad lalo na sa pag-inspeksyon ng mga bagahe upang matiyak na walang lalabag sa umiiral na election gun ban.

Mayroon din na naka-standby na K9-units sa mga pantalan upang matiyak na walang makakalusot na mga kontrabando sa pagdagsa ng mga pasahero.

Nakatakda ring tumulong ang coast guard personnel sa mga voting precincts para sa seguridad ng mga facilitator at botante.

Sa ngayon ay mapayapa at normal pa ang biyahe maging ang buhos ng mga pasahero sa mga pantalan kaugnay ng papalapit na halalan.