LEGAZPI CITY – Nagpahayag ng simpatiya at pakikiramay ang Philippine Sports Commission (PSC) sa naulilang pamilya ng isa sa top officials ng Bowling Federation ng bansa.

Pumanaw si Alex Lim, 61, treasurer at trustee ng Philippine Bowling Federation (PBF), nitong Miyerkules sa St. Lukes Hospital sa BGC dahil sa sakit na coronavirus.

Mismong si PBF president Steve Robles ang nagkumpirma ng malungkot na balita sa social media account nito.

Bumubuhos na rin ang mga nagpapaabot ng pakikiramay mula sa mga malalapit na kaibigan at kakilala ni Lim.

Nabatid na higit dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan nang mabatid na positibo ito sa nakamamatay na sakit.

Kasapi rin si Lim ng Asian Bowling Federation Executive Committee at chairman ng PBF Youth Committee.