LEGAZPI CITY – Case cleared subalit hindi pa case closed ang pamamaslang sa graduating student sa Brgy. Hindi, Bacacay, Albay.
Ayon kay PMaj. Irvin Bellen, hepe ng Bacacay Municipal Police Station, may mga detalye pa sa krimen na kailangang maimbestigahan.
Subalit giit ni Bellen na isolated case ang nangyari.
Matagal na panahon na rin umano na may nangyaring ganitong sensitibong kaso sa bayan.
Samantala, paalala nito sa mga kababaihan na iwasan ang gaanong paglabas sa gabi lalo na kung walang kasama.
Nabatid na magka-cash out lang sana ng pinadalang pera ng kapatid nito ang biktimang si Rhea Boneo, 22-anyos nang mangyari ang insidente.
Dati na rin umano itong dumadaan sa lugar lalo na kung umuuwi mula sa eskwelahan.
Ini-establish pa sa ngayon ang anggulo kung inabangan ang biktima nang pauwi na sa kanilang bahay o kung patungo pa lamang sa cash outlet.
Hindi pa rin mahanap sa ngayon pati ang ginamit na patalim sa krimen at iba pang personal na gamit ng biktima kagaya ng cellphone at wallet.
Kahapon nang mapasakamay na rin ng mga otoridad ang suspek na pinangalanan ng pulisya bilang Ariel Marbella na residente rin ng naturang barangay.