Mayon volcano PDC

LEGAZPI CITY—Iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naobserbahan nila ang pinakamalaking volume ng Pyroclastic Density Currents o uson bandang alas 4:28 ng hapon, Sabado, Mayo 2 sa bulkang Mayon simula nang itinaas ito sa Alert Level 3 nitong Enero 2026.


Ayon kay PHIVOLCS Mayon Volcano Observatory Science Research Specialist Doreen Abelinde, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 4 kilometro ang inabot ng uson at ang ash plume mula rito ang umabot ng 3,000 meters above sea level o 600 meters above crater ng bulkan, papunta sa bayan ng Camalig, Guinobatan, maging sa Ligao City.


Dagdag ng opisyal na kasabay ng uson ay naobserbahan din ang minor strombolian activity at short-lived lava fountaining sa bulkan.


Binigyang-diin rin ni Abelinde na nag-collapse ang ibinugang lava ng bulkang Mayon kaya nagdulot ito ng Pyroclastic Density Currents (PDCs) o uson.


Aniya na mainit ang uson dahil may kasabay itong hot volatile materials at mula mismo ito sa lava ng bulkan.


Nananatili pa ring nasa Alert Level 3 ang bulkan, at sa kasalukuyan ay wala pa silang nakikitang parametro upang itaas ito sa Alert Level 4.


Samantala, paalala naman nito sa publiko na kung maaari ay manatili muna sa mga bahay at isara ang mga pintuan at bintana dahil sa banta ng ashfall.


Gayundin ang pagsuot ng face mask at laging may nakahandang pagkain at maiinom na tubig lalo na ngayong nagpapatuloy ang aktibidad ng bulkang Mayon.