West Philippine Sea (FILE PHOTO)

LEGAZPI CITY-Nagpahayag ng pagkabahala ang grupo ng mga mangingisda hinggil sa dumaraming presensya ng mga barko ng militar ng US at ng China sa bansa.

Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) National Chairperson Fernando “Ka Pando” Hicap, sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, nakababahala ito lalo na pagdating sa interes na pang-ekonomiya ng Estados Unidos, na pinatitibay ng inaasahang tulong ng bansa kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Hicap na batid umano ito ng China—na ginagamit lamang ng Estados Unidos ang isyu sa WPS upang maibalik ang kanilang base militar sa Pilipinas.

Habang sa ngayon ay pinaplano na ang pagtatayo ng Pax Silica—na isang AI industrial hub—inihahanda na umano ito ng Estados Unidos at kaya naman ay nagkakaroon ng mas matinding kompetisyon ang China.

Idinagdag niya na magiging biktima nito ang ating bansa dahil sa pag-aagawan ito lamang; at ang mas malalang epekto ay ang tuluyang pang-angkin ng Estados Unidos sa ating kalupaan, habang ang China naman ay nasa karagatan.

Higit pang nakababahala, aniya, ang bagong batas tungkol sa pagmimina, kung saan nakalaan umano ang siyam na milyong ektarya para sa produksyon ng Pax Silica sa bansa.