Desired Health & Safety Protocols - Destination Analysts


LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng isang health reform advocate na hindi lang dapat public awareness campaign ang palakasin ng pamahalaan kundi pati na rin ang pagbibigay ng pangil sa batas para sa mga hindi sumusunod sa mga health protocols laban sa COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon, sinabi nito na kung nanatiling maluwag sa pagbibigay ng parusa sa mga lumalabag marami pa rin ang hindi susunod sa mga ipinapatupad na panuntunan upang malabanan ang pagkalat ng sakit.

Umaasa ito na maging ‘eye opener’ ang paglabag sa mandatory quarantine ng isang Pinay na mula sa Amerika, na sinabing dumalo pa sa party sa Makati at napag-alamang positibo pala sa COVID-19.
Samantala, naniniwala si Leachon na ‘Omicron variant’ na ang dahilan ng biglaang paglobo ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Dahil ilang buwan na aniya na mababa ang naitatalang mga COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang sa lumabas ang bagong variant na sinasabing tatlo hanggang apat na beses na mas mabilis na makahawa.

Kahit mild lang ang sintomas ng Omicron, abiso ni Leachon na hindi pa rin dapat na maging kampante dahil marami pa ang mga hindi nababakunahan laban sa COVID-19 sa bansa.