LEGAZPI CITY – Hindi pabor si Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon sa isinasagawang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga minors na edad 12 hanggang 17-anyos.
Binigyang diin ni Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi tugma ang hakbang ng pamahalaan sa kabila na gusto ng buksan at makabangon ang ekonomiya ng bansa na pinadapa ng pandemya.
Aniya, dapat tinapos muna ang pagbabakuna sa mga nasa priority groups tulad ng mga health workers, essential workers, senior citizens at mga indibidwal na may commorbidities, lalo pa’t walang katiyakan kung sasapat na ang suplay ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Dapat na iprayoridad muna ang target na babakunahan kung talagang hangad na mapaganda ang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa bago unahin ang mga kabataan na nananatili lang sa loob ng bahay.
Paano aniya mabibigyang proteksyon ang ekonomiya kung may mga essential workers ang hindi pa nakakatanggap ng kahit unang dose ng bakuna.
Diin ni Leachon na dahil sa nasabing hakbang baka malayo pang maabot ng bansa ang inaasam na herd immunity dulot ng kalat-kalat na pagbabakuna.