LEGAZPI CITY—Nasabat ang nasa 630 kahon o katumbas na P15.7 milyon na smuggled na sigarilyo sa ginawang pag-inspeksyon ng Philippine Coast Guard Bicol sa Mobo Port, Masbate.
Ayon kay Philippine Coast Guard Bicol Spokesperson Lieutenant Junior Grade Alyzza Novie Bermal, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isinagawa ang operasyon dahil sa kakulangan ng mga kaukulang dokumento na idineklara umanong ukay-ukay, gayundin ang kahina-hinalang galaw ng driver, at ang nadiskubre sa likod ng mga kargamento na tinakpan ng plastic.
Aniya na iniimbestigahan pa rin ang pinagmulan ng mga smuggled na sigarilyo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakatakas ang driver ng truck habang isinasagawa ang inspeksyon at nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa mga law enforcement unit para sa manhunt operation.
Habang ang truck helper ay nasa kustodiya na ng Mobo Municipal Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
Samantala, patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa mga ahensya tulad Philippine National Police, Bureau of Customs, at Philippine Ports Authority para sa mga inspeksyon laban sa mga smuggled na sigarilyo sa mga pantalan sa rehiyon.











