
LEGAZPI CITY- Nagpapatuloy ang isinasagawang monitoring ng mga kinauukulan sa kalagayan ng mga Pilipino sa Venezuela matapos ang naging pinsala ng magkasunod na magnitude 7.2 at 7.5 na lindo sa naturang bansa.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Atty. Jan Mikhail Gabriel Solitario, Third Secretary and Vice Consul ng Philippine Embassy sa Bogota na nakakasakop sa Venezuela na ligtas at accounted ang lahat ng mga Pilipino sa naturang bansa.
Wala naman umanong nag-request ng repatriation o evacuation matapos ang sakuna.
Katunayan, ang lahat ng mga Pilipino ay nananatili sa kanilang mga kabahayan.
Sa kabila nito, siniguro ni Vice Consul Solitario na bukas ang lahatng linya ng komunikasyon ng embahada para sa anumang pangangailangan ng mga apektadong Pilipino.
Batay sa tala ng embahada, nasa 47 na mga Pilipinong passport holders ang nasa Venezuela subalit kung isasama ang kanilang mga dependents ay aabot ito sa 74.
Nabatid na 50% sa mga ito ay mga religious missionaries habang ang iba naman ay nakapag-asawa na at may pamilya na sa Venezuela kaya nakabase na sa naturang bansa.










