LEGAZPI CITY- Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mga pag-ulan na nararanasan sa lalawigan ng Albay dulot ng shearline.
Ayon kay Resident Volcanologist Doreen Abelinde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang heavy rainfall ay maaaring makapag trigger ng lahar lalo pa at kasakulukuyang nasa alert level 3 pa rin ang bulkang Mayon.
Sa kasalukuyan ang nasa light hanggang moderate na pag-ulan ay hindi pa umano gaanong nakaka apekto sa sitwasyon subalit patuloy ang monitoring ng tanggapan.
Ipinaliwanag rin ng opisyal na malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng hot lahar lalo pa at bago pa lamang ang mga ibinuga na volcanic deposits.
Dagdag pa ni Abelinde na dahil sa init ng lava mula sa bulkan ay kahit pa tumagal ng isa o dalawang taon ay posible pa rin ang pagkakaroon ng hot lahar.
Dahil dito ay muling pinaalalahanan ng opisyal ang mga residente na naninirahan malapit sa mga river channels at sa lahar prone areas na manatiling alerto upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.











