LEGAZI CITY-Pangalawa ang mga Pinoy sa mga empleyadong masasaya sa kanilang trabaho sa Southeast Asia ayon sa isang bagong survey sa isang online jobs platform.
Sa pinakabagong Workplace Happiness Index nito, sinabing nasa 77% ng mga manggagawang Pilipino ay medyo o labis na masaya sa trabaho, kasunod lamang ng 82 % ng Indonesia.
Ipinakita sa survey na ang pinakamasayang empleyado sa Pilipinas ay ang mga nasa Visayas (82%), na sinusundan naman ng mga nasa National Capital Region (77%).
Humigit-kumulang 76% ng mga empleyado sa Luzon at Mindanao ang nagsabing masaya sila sa kanilang mga trabaho.
Samantala, ipinakita naman ng survey na 77% ng mga empleyado sa buong bansa ang nakakaramdam ng pagpapahalaga sa trabaho, habang 74% ang naglarawan sa kanilang mga trabaho bilang kasiya-siya.
Lumabas dito na ang career advancement ay isa sa mga pangunahing salik sa pagpapanatili ng empleyado, samantala ang mga empleyadong hindi nasisiyahan sa professional development opportunities ay mas mag-iisip na umalis na lamang sa kanilang mga trabaho.
Gayunpaman, binanggit sa nasabing report na sa kabila ng kanilang kaligayahan, 38% ng mga empleyado ang nagsabing sila ay burnout o labis na pagod sa trabaho habang nasa 41% lamang ang nagsabing kontrolado nila ang kanilang stress levels.











