LEGAZPI CITY- Nananawagan ngayon ng tulong ang aabot sa 300 na mga pamilya na nawalan ng tahanan matapos ang nangyaring sunog sa Purok 1, Barangay Banuyo, Pilar, Sorsogon.
Ang mga apektadong residente ay pansamantalang nananatili ngayon sa ilang evacuation centers mayapos mawalan ng tahanan.
Ayon kay Sorsogon Provincial Government Spokesperson Dong Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na gawa sa light materials ang naturang mga kabahayan kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Aniya, halos walang naisalba ang karamihan sa mga biktima dahil sa nangyari.
Nabatid na nagpaabot na ng P10,000 na inisyal na tulong ang pamahalaang panlalawigan sa kada pamilya subalit kulang pa umano ito para sa pagbangon ng mga biktima.
Pangunahing pangangailangan ngayon ng mga nasunugan ay ang pagkain, malinis na inuming tubig, damit at materyales para sa muling pagpapa gawa ng kanilang mga tahanan.
Dagdag pa ni Mendoza na nagpapasalamat sila sa nakikitang bayanihan sa ngayon subalit aminado itong marami pa ang kinakailangang tulong upang muling makapagpatayo ng bahay ang mga biktima ng sunog.