The Catanduanes Police Provincial Office (PPO) has subjected its personnel at the Provincial Headquarters, Non-Uniformed Personnel, and from various Municipal Police Stations to mandatory drug testing.

LEGAZPI CITY – Isinailalim ng Catanduanes Police Provincial Office (PPO) sa mandatory drug testing ang mga tauhan nito sa Provincial Headquarters, Non-Uniformed Personnel, at mula sa iba’t ibang Municipal Police Stations.

Ayon kay Catanduanes PPO Public Information Officer Police Major Emsol Icawat sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang layunin ng hakbang ay upang matiyak na ang mga pulis ay hindi sangkot sa mga ilegal na aktibidad lalo na sa ilegal na droga.

Sa kasalukuyan, mahigit 300 na opisyal ng pulisya ang nakakumpleto ng pagsusuri at nais nilang sumailalim sa pagsusuri ang lahat ng kanilang mga tauhan bago matapos ang Pebrero ngunit maaaring maantala ito dahil sa mga problema sa mga drug testing kit.

Masaya rin niyang ibinahagi na wala sa mga nabanggit na bilang ang nagpositibo at umaasa siyang lahat sila ay magnegatibo sa resulta upang hindi na muling masangkot ang kanilang opisina sa iskandalo.

Nilinaw din ng opisyal na kung sakaling may magpositibo sa kanilang hanay, bibigyan siya ng pagkakataong patunayan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng confirmatory test ngunit hindi niya tiyak kung hindi ito matatanggal sa serbisyo.

Dagdag pa ni Icawat, nakatakda rin silang magsagawa ng pangalawang mandatory drug testing para sa kanilang mga tauhan bago matapos ang kasalukuyang taon bilang bahagi ng kanilang internal cleansing.