LEGAZPI CITY – Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad ng pagkakaroon ng malalaking lahar flow kung sakaling magtuloy-tuloy ang pagbuhos ng malalakas na ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Chief Science Research Specialist Ma. Antonia Bornas, posible kasi itong magdulot ng landslide sa dalisdis ng Bulkang Mayon at mabungkal ang mga lumang naka-imbak na volcanic materials na pwedeng mauwi sa worst case scenario.
Subalit sa ngayon ay wala pang nararanasang malalakas na pag-ulan, tanging channel-confined lahar lamang ang inaasahang mangyari dahil kaunti pa lang ang volume ng volcanic materials na naka-imbak sa dalisdis ng bulkan.
Kung sakali mang madagdagan pa ito, posibleng magkaroon na ng channel-confined lahar sa mga gully na konektado sa mga ilog sa timog silangan ng bulkan partikular na sa mga barangay ng Budiao, Bañadero, Mabinit, Matanag, Bonga at Buyuan.
Sa inisyal na datos mula sa mga geologists, umaabot na sa 2.5 million cubic meters ang volume ng lava na iniluluwa ng bulkan.
Paliwanag ni Bornas, nahahati ang mga aktibidad ng bulkan sa lava flow, rockfall at Pyroclastic Density Currents, kung kaya’t inaasahan na pare-parehong volume lamang ng naturang volcanic materials ang naka-imbak sa dalisdis ng bulkan.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng ahensya, nakapagtala na ng 4,898 rockfall events, 113 Pyroclastic Density Currents at 83 volcanic earthquakes ang bulkang Mayon mula ng mag-alburoto noong Hunyo 1.