LEGAZPI CITY—Arestado ang isang indibidwal matapos mangloob sa isang bahay sa Barangay Gogon, Legazpi City.
Ayon kay George Toledo, Barangay Tanod ng nasabing barangay, sa isang panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad silang rumesponde matapos makatanggap ng ulat na mayroong naganap na pagnanakaw malapit sa paaralan ng nasabing barangay.
Aniya, nagmamadali silang makarating sa pinangyarihan dahil naroon pa rin umano ang naturang magnanakaw.
Dagdag pa niya, agad din nilang iniulat ang sitwasyon sa istasyon ng pulisya.
Matapos na mabigyan ng pahintulot ng may-ari na pasukin ang kanilang bahay ng mga awtoridad ay agad na naaresto ang suspek na nakitang nagtatago sa rest room.
Plano umano nitong nakawin ang electric fan at lalagyan ng mga plato.
Dagdag pa ng opisyal, dati na nilang nahuli ang suspek at ito na ang pangalawang beses na nadawit ito sa naturang pangyayari.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.











