LEGAZPI CITY—Nananatiling nasa morgue ang labi ng overseas Filipino worker na si Mary Ann Velasquez De Vera, matapos ang saradong airspace ng Israel at kanseladong mga biyahe ng eroplano rito.
Matatandaang si De Vera ang unang casualty sa Israel matapos na tamaan ng missile ng Iran ang kaniyang apartment sa Tel Aviv dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naghihintay pa sila ng panahon sa pagbubukas ulit ng mga paliparan at airspace upang maiuwi ang labi nito, gayundin ang pag-uwi ng kaniyang asawa sa Pilipinas.
Maliban dito, panawagan din aniya nila na magkaroon ng pensyon ang pamilya ni De Vera mula sa gobyerno ng Israel.
Tiniyak ng opisyal na patuloy ang kanilang koordinasyon sa Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at sa Israeli government.
Samantala, panawagan ni Mendiola sa mga Pilipinong nasa Israel na sumali sa WhatsApp channel na “Philippine Ambassador in Israel” dahil ito ang pinakamabilis na paraan upang sila ay mabigyang ng pinakabagong balita hinggil sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.











