
LEGAZPI CITY – Nakatakdang ilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa Biyernes, Abril 17, ang Kadiwa ng Pangulo at P20 Rice Program para sa kanilang mga mamamayan.
Ayon kay Sorsogon Provincial Government Spokesperson Dong Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang maisapinal kung ilang kilo ng bigas ang maaaring bilhin ng kanilang mga residente.
Aniya, maaari itong samantalahin ng kanilang mga mamamayan at iba pang nakatira sa ibang lalawigan na gustong bumili ng P20 na bigas at ito ay depende sa suplay ng bigas na ibibigay sa kanila ng National Food Authority.
Nilinaw din niya na hindi sila makikipagkumpitensya sa mga magsasakang Sorsoganon at hinikayat nila itong sumali at ibenta ang kanilang mga produkto sa Kadiwa ng Pangulo habang bumibili rin sila ng mga inani ng mga ito na inilalagay sa community pantry para sa sektor ng transportasyon.
Sinabi ng opisyal na nais ipatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ang hakbang upang maiwasan ang pagpila ng kanilang mga residente nang maaga sa tanggapan ng National Food Authority upang bumili lamang ng P20 na bigas na nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Gayunpaman, tiniyak din ni Mendoza na handa rin sila kung sakaling magkaroon din ng mga maagang pipila kaya naghanda na rin sila ng mga upuan sa labas ng Kapitolyo.








