LEGAZPI CITY- Nakapagtala ng isang ipo-ipo sa baybayin ng Barangay Bagumbayan, Masbate City nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Masbate Chief Meterorological Officer Rizza Bartolata sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagdulot ito ng pagkapinsala ng ilang kabahayan, batay sa impormasyon mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa umano ang kabuuang bilang ng mga napinsalang kabahayan.
Nabatid na nagsimula ang naturang ipo-ipo sa karagatan hanggang sa napadaan sa ilang kabahayan.
Ipinaliwanag ni Bartolata na ang ipo-ipo ay isang natural phenomenon na madalas nangyayari tuwing mayroong severe thunderstorm.
Madalas umano itong nangyayari kung mayroong mga pagkulog at pagkidlat lalo na kung mainit ang karagatan.
Dahil dito ay nagpaalala si Bartolata na palaging bantayan ang sitwasyon ng panahon lalo pa at mapanganib ang naturang phenomenon sa mga sasakyang pandagat.











