file photo of farmers

LEGAZPI CITY- Ramdam na ngayon ng mga magsasaka ang paglobo ng presyo ng abono.

Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa presyuhan ng ilang abono.

Paliwanag ng opisyal na ang Middle East ang pangunahing pinag-aangkatan ng abono ng bansa kaya malaki ang epekto ng nagpapatuloy na kaguluhan sa rehiyon.

Dahil dito ay pinag-iisipan umano ng ilang mga magsasaka kung magtatanim pa ba sa susunod na planting season dahil sa pagkabahala na malugi lang.

Batay sa huling planting season noong Enero ay nakabili pa umano ang mga magsasaka ng Urea fertilizer sa halagang P1,500 kada bag subalit nitong Marso 19, ay nasa P2,300 hanggang P2,400 na ang isang sako nito.

Ang iba namang uri ng abono ay nagtaas aniya ng nasa P100.

Dagdag pa ni Estavillo na tinatayang nasa P72,000 ang nagagastos ng mga magsasaka sa kada isang hektarya kaya mahihirapan ang mga ito na mabawi ang kanilang puhunan.