
LEGAZPI CITY – Himas rehas ang inabot ng isang fruit vendor Barangay San Lorenzo, Tabaco City, Albay matapos itong maaresto sa isang buy-bust operation ng mga awtoridad.
Ayon kay Tabaco City Police Station Chief of Police Police Lieutenant Colonel Virgil Bibat sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang suspek ay kinilalang si alyas “Jojo”, 29 taong gulang, itinuturing na isang high value individual at residente ng Malilipot, Albay.
Batay sa kanilang impormasyon, nakumpiska sa suspek ang aabot sa 60 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may estimated standard drug price na humigit-kumulang P408,000.
Diumano’y ginamit ng suspek ang kanyang pagiging fruit vendor upang itago ang kanyang kontrabando at palihim na ibenta ito sa kanyang mga parokyano.
Nagpasalamat din ang opisyal sa komunidad para sa kanilang patuloy na suporta at kooperasyon na naging mahalagang bahagi ng matagumpay na pagpapatupad ng operasyon laban sa ilegal na droga lalo na’t matagal na nila itong minomonitor.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 nang walang inirerekomendang piyansa.
Nanawagan din si Bibat sa publiko na patuloy na maki-isa at magbigay ng impormasyon upang lalong mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.










