LEGAZPI CITY- Muling kinilala ng Department of Health (DOH) Bicol ang isasagawang Dugong Bombo 2026 lalo na sa kasalukuyan na tumataas ang demand sa dugo sa rehiyon.
Ayon kay Donor Recruitment Officer Nicole Anne Bejo ng Bicol South Luzon Sub National Reference Laboratory sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tuloy-tuloy ang pangangailangan ng dugo sa bansa.
Napapanahon rin aniya ang Dugong Bombo lalo na sa kasalukuyan na patuloy ang pagtaas ng dengue cases sa Bicol.
Iginiit ng opisyal ang kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo dahil ang isang blood donor ay maaari aniyang makapagligtas ng tatlo hanggang limang buhay.
Kinakailangan aniya na may sapat na suplay dugo sa mga blood bank upang madaling makapagbigay sa mga pasyente na nangangailangan nito.
Ayon kay Bejo na sisiguruhin rin na ligtas ang mga donors dahil magkakaroon ng screening ang mga medical personnel upang matiyak na malusog ang mga ito.
Ang Dugong Bombo na kilala bilang pinakamadugong blood letting sa bansa ay sabay-sabay na isasagawa sa mga lugar na mayroong Bombo Radyo at Star FM stations sa bansa, sa darating na Nobyembre 14.











