LEGAZPI CITY – Nakapagtala ng 39 na panibagong nagpositibo sa COVID-19 ang Bicol.

Batay sa talang ipinalabas ng Department of Health (DOH) Bicol para sa Oktubre 15, pumalo na sa 2,194 ang kabuuang nakumpirma na nagpositibo kung saan 323 ang aktibong kaso.

Apat sa mga bagong nadagdag ay mula sa Albay partikular na ang dalawa mula sa lungsod ng Legazpi, isa sa Daraga at isa sa Malilipot.

Matapos ang ilang araw na kaunting kaso na naitatala, sumampa ngayon sa 12 ang nagpositibo sa Camarines Norte habang may siyam rin na bagong kaso sa Camarines Sur.

Sa Masbate, lima ang nadagdag sa lungsod at isa sa bayan ng Mobo habang walo naman sa Sorsogon kung saan tatlo ang mula sa Sorsogon City, tatlo sa Irosin, at tig-isa sa Bulan at Matnog.

Umakyat na rin sa 1, 777 ang total recoveries matapos na 15 ang naitalang negatibo na sa virus.

Habang nananatili sa 94 ang COVID-19 deaths.

Sa kabuuan, 355 test results ang natanggap ng DOH Bicol mula sa mga testing laboratories na Bicol Medical Center, Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory at Safeguard Diagnostic ng National Capital Region.