LEGAZPI CITY- Aminado ang team ni Pinay rower Joanie Delgaco na magiging mabigat ang susunod nitong laban matapos ang makasaysayang pag-usad sa susunod na round ng Women’s Single Sculls.

Ayon kay Philippine Rowing Team Coach Edgardo Macabitas Oly sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kumpiyansa sila na may tsansa pa si Delgaco na makapasok sa semi-finals lalo pa at mentally at physically prepared na umano ito.

Ito kahit pa habang tumatagal ay mas nagiging mahirap rin ang kompetisyon.

Nabatid na kabilang sa mga makakalaban ng Pinay Olympian ang mga pambato ng New Zealand, Serbia and Montenegro, Switzerland, Azerbaijan at Spain.

Ayon kay Coach Oly na target ni Delgaco na magtapos sa rank 3 upang mapanatili ang kampanya para sa gold medal.

Samantala, pinasalamatan naman ng opisyal ang mainit na suporta ng mga Pilipino sa Paris na bumibili pa umano ng mga ticket upang personal na manood ng laban ng mga Filipino athletes.

Aminado ito na malaki ang tulong ng suporta ng mga kapwa Pinoy na nagpapalakas umano sa kumpiyansa ng mga atleta.