LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol ang ikaapat na pagkasawi sa rehiyon dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa pahayag ng kagawaran, pumanaw kaninang umaga ang pasyente na may local ID code na Bicol #30.

Nabatid na isang 64-anyos na babae mula sa Tabaco City si Bicol #30 na bumiyahe mula sa Quezon City.

Nitong Abril 15 nang una nitong maramdaman ang mga sintomas ng sakit hanggang sa makumpirmang positibo sa COVID-19 nitong Abril 22.

Ito naman ang itinuturing na ikatlong pagkasawi na may kaugnayan sa COVID-19 sa Albay.

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang DOH Bicol sa pamilya at mga kaibigang naiwan ng nasawi.

Nananatili sa 35 ang kabuuang bilang ng mga nakumpirmang positibo sa sakit sa Bicol habang nasa 22 na ang naka-recover.