transport strike

LEGAZPI CITY- Makikiisa ang grupo ng mga transportasyon sa lalawigan ng Albay sa ikakasang welgang transportasyon na magsisimula bukas, Marso 26 hanggang 27.

Ayon kay Condor Piston Bicol President Ramon Rescovilla sa pagtatanong ng Bombo Radyo Legazpi na inaasahan na nasa 95% hanggang 100% na mapaparalisa ang transportasyon sa lalawigan.

Ito ay kasunod ng pagpapahayag ng suporta ng mga public utility jeepney drivers sa una, ika-lawa at ikatlong distrito ng lalawigan.

Sinabi ng opisyal na walang dahilan para hindi sumama sa tigil-pasada ang mga drivers lalo pa at lahat ay apektado ng kasalukuyang krisis sa langis.

Paliwanag ni Rescovilla na nais nilang kalampagin ang pamahalaan sa kawalan ng solusyon sa suliranin na labis na nagdudulot ng kahirapan sa hanay ng transportasyon at mga mananakay.

Dagdag pa nito na dahil sa labis na pagmahal ng presyo ng langis ay karaniwang nasa P150 hanggang P300 na lamang ang kanilang naiuuwi na kita para sa pamilya.

Samantala, nanawagan naman ito ng pag-unawa sa mga mananakay na maaapektuhan ng naturang transport strike.