Daraga food park

LEGAPI CITY- Natupok ng apoy ang tinatayang nasa 15 mga food stalls sa Daraga food park sa bayan ng Daraga, Albay.

Ayon sa isa sa mga apektadong negosyante na si Glenda Nuyda Loteriña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagsimula ang apoy sa isa sa mga stall sa bukana ng naturang food park.

Kwento nito na nagkaroon umano ng pagasingaw sa liquefied petroleum gas sa naturang stall, subalit ikinadismaya nito na imbes na aksyunan ay iniwan umano ito ng may-ari, bagay na kinukumpirma pa ng mga otoridad.

Aniya, mabilis na kumalat ang apoy lalo pa at gawa sa light materials ang mga stall.

Nabatid rin na ang mga na-trap sa loob ay dumaan sa likurang bahagi ng lugar, kung saan umakyat ang mga ito sa bubong ng mga kabahayan upang makaligtas.

Samantala, sinabi ni Loteriña na pursigido sila na magsampa ng reklamo dahil kailangan umanong managot ng may kapabayaan sa insidente, lalo pa at nais nila na maibalik ang nawalang puhunan sa negosyo.