LEGAZPI CITY – Bumuo ng mga estratehiya ang Bureau of Fire Protection Aroroy sa lalawigan ng Masbate upang maiwasan na makapagtala ng fireworks related injury sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SInsp. Nepathalie Pusing, Fire Marshall ng Aroroy Fire Station, napagkasunduan na mamigay ng dalawang kilong bigas at torotot kapalit ng boga.

Aniya, napansin na pagpasok pa lang ng buwan ng Nobyembre ay talamak na ang mga gumagamit ng boga o improvised cannon sa ilang barangay sa bayan na karamihan ay mga kabataan ang sangkot.

Kaya mula ngayong araw ay magkakaroon ng paglilibot o pagbabandilyo ang mga tauhan ng naturang fire station sa mga barangay upang hikayatin ang mga gumagamit ng paputok na gumamit na lang ng alternatibong pampaingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Nilalayon ng hakbang na hindi lang fireworks related injury ang maiwasan kundi maging ang sunog.

Una ng namahagi ang Bureau of Fire Protection Aroroy sa pagsalubong ng Pasko ng P100 kapalit ng pagsurendir ng ginagamit na mga boga.