
LEGAZPI CITY – Patuloy na tinututukan ng Lokal na Pamahalaan ng Bulan sa lalawigan ng Sorsogon ang insidente noong nakaraang Semana Santa na itinapon na lamang ng ilang mangingisda ang kanilang mga huli na isdang tamban o may local term na lawlaw dahil hindi ito naibenta.
Ayon kay Bulan Municipal Councilor Recto Valeriano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa na ng inspeksyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol at natuklasan na ang isang ice plant sa nasabing lugar ay hindi nakapag-operate dahil ang mga tauhan nito ay nakabakasyon na sinabayan pa ng pagtitipid sa kuryente na nagpabagal sa produksyon nito.
Aniya, malapit lang ang fishing area kaya agad na bumabalik sa dagat ang mga mangingisda pagkatapos nilang ihatid o ibagsak ang kanilang mga huli at ang pagtanggi ng ilang mga negosyante na bumili dahil sa kakulangan ng yelo na nagdulot ng labis na suplay na humantong sa pagkasayang nito.
Gayunpaman, nilinaw niya na ang ilan sa mga isda ay naibenta pa namanat katunayan umano ay binili ang iba ng kanilang Lokal na Pamahalaan at ipinamahagi sa kanilang mga residente na malayo sa dagat ngunit hindi nila nakayanan ang malaking suplay lalo na’t karamihan sa mga isda ay madali ng masira dahil sa kakulangan ng yelo.
Sinabi ng opisyal na nakipag-usap na rin sila sa mga mangingisda, dealer, at broker upang amyendahan ang mga oras ng pangingisda lalo sa panahon ng peak o breeding season at iba pang mga ordinansa upang maiwasan ang mga katulad na insidente at protektahan ang suplay ng isdang tamban.
Dagdag pa ni Valeriano na bumalik na sa normal ang sitwasyon sa fish port ng Bulan at ang presyo ng mga isdang tamban ay umaabot sa P1,050 depende sa volume ng kanilang bibilhin.










