LEGAZPI CITY – Inihayag ng Alliance of Concerned Teachers na minimal lang ang mga natatanggap na complaints ng grupo mula sa mga gurong magsisilbi sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Kaugnay ito ng itinayong Teacher Hotline ng grupo para sa mga reklamo at katanungan ng mga guro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimer Quetua, tanging mga simpleng katanungan lamang ang natatanggap tulad ng pag-backout bilang miyembro ng electoral board kung mayroong kakaharapin na criminal offense.

Sa kabila nito, hindi pa rin aniya pwedeng magpakakampante lalo na kung pagbabasehan ang ulat ng Philippine National Police na nasa 361 ang itinuturing na election hotspots.

Ayon kay Quetua, batay sa kasaysayan talagang hindi maiwasan na magkaroon ng mga hindi inaasahang insidente sa panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections lalo na kung magkakamag-anakl ang magkakatunggali sa posisyon.

Kung kaya’t katulong ang grupo ng ilang concerned agencies sa pagtiyak ng seguridad ng mga gurong magsisilbi sa halalan.

Samantala, muling nanawagan ang grupo na madagdagan ang matatanggap na honararium ng mga guro na magsisilbi sa eleksyon at gawing tax free.