Binabantayan ng PHIVOLCS ang panibagong ugali ng Bulkang Mayon matapos maitala ang minor strombolian activity. Alamin ang pinakabagong update.

LEGAZPI CITY- Mahigpit na tinututukan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang panibagong ugali o pattern ng bulkang Mayon.

Ayon kay Phivolcs Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naglabas na ng malaking volume ng magma ang bulkang Mayon na umabot sa 80 million cubic meters sa effusive eruption nito simula Enero hanggang Agosto kaya inasahan na tatahimik na ito, tulad ng mga nakalipas na eruption.

Aminado ang opisyal na normal lamang ang maliliit na aktibidad subalit hindi inasahan ang pagputok nito noong Oktubre 30.

Ito lalo pa na hindi naman gaano kataas ang sulfur dioxide emmission sa nakalipas na mga araw, simula ng ibaba ang alerto nito noong Agosto.

Paliwanag ng opisyal na ang mataas na volcanic gas ay dulot ng fresh magma sa ilalim ng bulkan na inilabas sa unang bahagi ng taon.

Matatandaan na madaling araw ngayong Lunes ay mula na namang nakapagtala ng minor strombolian activity sa naturang bulkan.

Ayon sa opisyal, kaakibat nito ang ballistic projectiles kaya maaring tamaan ng tipak ng lava malapit sa bunganga ng bulkan.