LEGAZPI CITY-Kinuwestiyon ng isang grupo ng mga magsasaka ang ulat ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura na dulot umano ng El Niño, sa kabila ng katotohanang paparating pa lamang ito sa bansa.
Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, nakakalito para sa kanya ang nasabing ulat—lalo na kung isasaalang-alang ang mga naunang ulat ng ahensya tungkol sa epekto ng hanging habagat, mga nagdaang bagyo, at malawakang pagbaha sa Luzon, partikular na sa Central at Northern Luzon.
Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, ang pinsalang dulot ng mga nakaraang kalamidad ay tinatayang nasa P4 na bilyon.
Gayunpaman, kamakailan ay naglabas rin umano sila ng ulat tungkol sa epekto na ng El Niño sa bansa.
Nakasaad dito na aabot sa 200 ektarya ng lupain at mahigit 2,000 magsasaka ang nakararanas na ng epekto ng El Niño sa buong bansa.
Kung kaya ay kinuwestiyon din niya ang umano’y halos P7 bilyong ulat sa pinsala na dulot ng El Niño gayong paparating pa lamang ito ngayong buwan.
Nanawagan din siya ng paglilinaw sa mga datos at impormasyon mula sa ahensya, pati na rin sa paghahanda ng ahensya upang matiyak na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at mapaghandaan nila ang sitwasyon.











