Decampment of Mayon evacuees

LEGAZPI CITY- Nagpatupad na ng decampment ang ilang mga lokal na pamahalaan na nagpatupad ng evacuation dahil sa aktibidad ng bulkang Mayon, matapos maibaba sa alert level 2 ang status nito.

Kabilang sa mga nag-decamp ang aabot sa 200 pamilya mula sa bayan ng Camalig na nakatanggap pa ng family food packs bago ang pagbabalik sa kanilang mga tahanan, matapos ang halos pitong buwan.

Sa kabila nito, nagpaalala si Phivolcs Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa publiko na kinakailangan pa rin ang pagiging alerto dahil kahit bumaba na ang ilang paramerto ay hindi pa rin nawawala ang posibilidad na sumabog o muling tumaas ang aktibidad ng bulkan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ng opisyal na marami ang deposito ng pyroclastic density current sa mga ilog sa pagitan ng Mi-si gully at Basud gully na maaaring dumausdos kung magkakaroon ng pag-ulan.

Marami umano ang erodable deposits na posibleng maging banta sa mga residente kaya nagpaalala ang opisyal sa kahandaan sa pre-emptive evacuation kung magkakaroon ng sama ng panahon.

Dagdag pa ni Bornas na kahit may paunti-unti nang volcanic deposits ang naibaba sa mga channels ay nananatiling malaki ang panganib ng lahar.