Mayon volcano PDC

LEGAZPI CITY—Patuloy na mino-monitor ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol upang matukoy ang posibleng epekto ng ashfall mula sa bulkang Mayon sa sektor ng pangisdaan, partikular na sa aquaculture.


Ayon kay BFAR Bicol Spokesperson Rowena Briones, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na ulat mula sa mga apektadong lokal na pamahalaan tungkol sa lawak ng pinsala sa mga aquaculture areas sa lalawigan ng Albay.


Dagdag pa niya na kasalukuyan silang nagpapatuloy sa kanilang koordinasyon sa mga apektadong LGU at maaari na nila itong ilabas kapag mayroon nang datos.


Samantala, nagbabala rin ang ahensya sa mga aquaculture operators at mangingisda tungkol sa posibleng epekto ng abo sa mga katubigan o pangisdaan.


Ipinaliwanag niya na ang abo ay maaaring makaapekto sa pagbaba ng kalidad ng tubig, pagbaba ng level ng dissolved oxygen na mahalaga para sa kaligtasan ng mga isda, at maaari rin itong mag-iwan ng pinsala sa mga fish cages at fish nets.


Bukod dito, maaari rin aniya na makaapekto ang ashfall sa pagbabago ng pH level o acidity ng tubig na maaaring magresulta sa stress, mabagal na paglaki, at iba pang mga problema sa kalusugan ng mga isda.


Bilang pag-iingat, inirekomenda ng ahensya ang pansamantalang pagsuspinde ng mga operasyon ng mga aqua farm na nasa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng bulkan.