LEGAZPI CITY- Hindi makikiisa ang mga transport groups sa Bicol sa ikakasa na tatlong araw na transport strike ng grupong MANIBELA simula bukas, Abril 15 hanggang Abril 17.
Ayon kay Condor Piston Bicol President Ramon Rescovilla sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi sila nakapaghanda dahil biglaan ang anunsyo ng naturang tigil-pasada.
Huli na umano ng dumating sa kanila ang pormal na komunikasyon kaya hindi na nakapaghanda ang kanilang panig.
Sa kabila ng hindi pagsasagawa ng tigil-pasada ay sinabi ni Rescovilla na magsasagawa ang kanilang panig ng mga kilos-protesta bilang pagpapakita ng suporta sa kanilang mga kasamagang drivers at operators mula sa MANIBELA.
Dagdag pa nito na nais nilang ipanawagan sa isasagang protesta ang mataas pa rin na presyo ng langis na kahit mag-rollback umano ng P20 ay hindi pa rin mababawi ang nawawalang kita sa mga jeepney drivers.
Tinuligsa rin nito na hanggang sa ngayon ay marami pa rin ang hindi nakakatanggap ng ayuda na una ng ipinangako ng pamahalaan.











