LEGAZPI CITY-Muling namataan ang Philippine deer o ‘Rusa marianna’ sa Marinduque matapos ang ilang dekada nang ideklarang extinct na ito sa lugar, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kinumpirma ng Marinduque Wildlife Sanctuary Protected Area Management Office ang presensya nito kung saan hindi bababa sa 10 Philippine deer sa Barangay Makulapnit ang nakita.
Mayroon ding bakas ng paa na natagpuan sa Boac at mga karatig na lugar, patunay na patuloy na mayroon pa rin ng ganitong klase ng species sa isla.
Ayon sa DENR, ang muling paglitaw ng Philippine deer ay itinuturing na mahalagang tagumpay sa conservation.
Ngunit, nagbabala ang ahensya na nananatiling nanganganib ang species na ito dahil sa illegal hunting, poaching, at pag-atake ng mga wild dogs.
Samantala, plano naman ng University of the Philippines Los Baños na magsagawa ng pag-aaral upang masuri ang populasyon ng Philippine deer at makabuo ng mga hakbang para sa proteksyon at pangangalaga nito.







