LEGAZPI CITY – Mahigpit na minomonitor ngayon ng mga tauhan ng Albay Police Provincial Office (PPO) ang mga gas stations upang maiwasan ang pagsasamantala ngayong may krisis sa mga produktong petrolyo dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Albay PPO Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, umabot sa 1,000 pulis ang itinalaga upang magbantay at magmonitor laban sa posibilidad ng panic buying, hoarding, hindi awtorisadong pagtaas ng presyo, at iba pa.
Humihingi din sila ng paliwanag mula sa mga nakikita nilang bumibili ng galon-galon ng gasolina upang matukoy kung itatago lang nila ito o gagamitin para sa kanilang malalaking kagamitan na nangangailangan ng gasolina.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na may itinakdang limitasyon ang Department of Energy (DOE) sa pagbili ng galon-galon ng gasolina kung saan iba ang limitasyon para sa mga tanggapan ng gobyerno tulad ng mga ospital at iba para sa mga pribadong kumpanya.
Hinimok din ni Nuñez ang mga motorista na huwag mag-atubiling lumapit sa pulisya kung may mga gasolinahan na nagsasamantala sa sitwasyon sa Gitnang Silangan upang magtaas ng hindi makatwirang presyo ng gasolina upang agarang maaksyunan.











