LEGAZPI CITY-Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng dagdag na sulfur dioxide emission mula sa crater ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Phivolcs Mayon Oberservatory Resident Volcanologist Doreen Abelinde, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na galing ito sa crater ng Bulkan kung saan mayroon itong 50 meters na taas.
Napapadpad umano ito sa mga malalapit na locality kaya pinapaalalahaan ang mga residente lalo na’t nagkakaroon na rin ng ashfall papuntang west northwest sa lalawigan.
Aniya, bagamat hindi ito ang pinakamataas na ash emmission at hindi gaanong makapal, mayroong mga dalang ash cloud ang mga Pyroclastic Density Currents na hindi galing sa crater nito.
Paliwanag ng opisyal na kahit walang ash emmission na direkta sa crater ay maaaring magkaroon ng ashfall dulot ng mga materyal na nasa gullies dahil sa mga nakaraang rockfall events.
Sa halos isang buwan na aktibidad ng Bulkan, tinatangay umano ang mga naipon na abo rito ng malalakas na hangin base sa kung saan ang direksyon nito.
Posible ring umabot ang ashfall sa 10-11 km extended danger zone at mga karatig na lugar kaya pinapaalalahanan ang mga komunidad sa lalawigan ng Albay na maging handa sa ganitong mga scenario at inererekomenda ang pagsusuot ng facemask.










