LEGAZPI CITY – Muling nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na maging non-partisan o walang kinikilangan sa panahon ng eleksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CSC Bicol Director Atty. Daisy Bragais, mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng government official at employee ang pag-endorso lalo na ang pakikibahagi sa mga grupong sumusuporta sa kandidato.

Ipinagbabawal din ang paggamit ng government resources o pagsuot ng mga election paraphernalia na may mukha at pangalan ng kandidato.

Ayon kay Bragais, mayroong hurisdiksyon ang tanggapan na magsampa ng Administrative Offense sa opisyal o empleyadong sangkot sa pagkampanya ng kandidato.

Sa 1st offense, suspensyon ang isasampang parusa at dismissal from the service naman sa 2nd offense.

Sakop ng prohibisyong ito ang mga government employee na permanent, temporary at contractual na may employer at employee relationship.

Hindi naman kasali ang mga job order at contract of service.
Nilinaw ni Bragis na hindi naman ipinagbabawal na magpahayag kung sino ang ibobotong kandidato at magbahagi ng political views sa ilang mga usapin.