LEGAZPI CITY—Limang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Poblacion, Baleno, Masbate ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.

Ayon kay Baleno Municipal Police Station, Chief of Police, Police Captain Medardo Baleros Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang mga nasabing miyembro na sina alyas “Jake,” “Vic”, “Lino”, “Dan” at “JP”.

Kasama rin sa kanilang isinuko ang iba’t ibang armas tulad ng M16 rifle (Bushmaster), isang modified M16 Rifle (Elisco); improvised KG9 submachine gun na may bawat kalibre .45; .45 kalibre ng baril; at limang improvised explosive device o Molotov cocktail.

Ayon sa lider ng grupo na si alyas “Jake”, kusa silang sumuko dahil sa matinding gutom at hirap sa pamumuhay sa kabundukan dahil ilang araw na silang hinahanap ng mga sundalo, pati na rin ang pag-iisip sa sitwasyon ng kanilang pamilya.

Dagdag pa ni Baleros, nagbigay na ng paunang tulong ang lokal na pamahalaan sa mga sumukong indibidwal.

Nabatid na dati nang nasangkot sa mga engkwentro ang limang sumukong miyembro ng teroristang grupo.

Samantala, umapela naman ang opisyal sa mga kasalukuyang miyembro ng Communist Terrorist Group na bumalik sa gobyerno para na rin sa kapakanan ng kanilang mga pamilya gayundin sa kapayapaan ng komunidad.