illegal drugs
illegal drugs

LEGAZPI CITY—Arestado ang tatlong indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Cavasi, Ligao City, Albay.


Ayon kay Police Regional Office 5 Regional Director Police Brigadier General Andre Dizon, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang pangunahing suspek na si Alyas ​​”Jeff”, isang High Value Target, 38 taong gulang, at residente ng Oas, Albay.


Si alyas “Jeff” ay matagal nang nasa watchlist ng mga awtoridad dahil sa kanyang pagkakasangkot umano sa malakihang bentahan ng ilegal na droga.


Arestado rin sina Alyas “Mundo” at Alyas “She” na isa ring High Value Target; ang dalawang indibidwal ay kapwa residente ng lalawigan ng Camarines Sur.


Dagdag pa ni Dizon, posibleng may sinusaplayan ang mga suspek sa probinsya ng Albay.


Nakuha mula sa mga suspek ang hinihinalang shabu na tumitimbang ng 162 gramo na nagkakahalaga ng P1,101,600.00, gayundin ang buy-bust money, at iba pang drug paraphernalia.


Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Albay Police Provincial Office ang mga suspek para sa kanilang inquest.


Samantala, abiso rin ng opisyal sa publiko na mag-ulat sa kanilang tanggapan kung sakaling may kilala silang mga indibidwal o personalidad na sangkot sa mga ilegal na gawain.