LEGAZPI CITY—Aabot sa P2,040,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Baribag, Barangay Bibincahan, Sorsogon City, sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Arwin Destacamento, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naaresto ang suspek sa isinagawang joint operation ng Philippine Drug Enforcement Agency National Special Enforcement Team-Luzon, PDEA Sorsogon, Sorsogon City Police Station, Drug Enforcement Provincial Unit, 1st Provincial Mobile Force Company, at Team 2 ng PDEG Operation.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jamboy”, 21 taong gulang, at residente ng Barangay Jaboyo-an, Aroroy, Masbate.
Ayon kay Destacamento, aminado ang suspek na galing sa Metro Manila partikular sa San Mateo, Rizal ang mga hinihinalang shabu na dala nito.
Ayon sa mga awtoridad, nagtungo ang suspek sa Sorsogon City dahil may katransaksyon ito sa nasabing lugar.
Dagdag pa ng opisyal, posibleng ang suspek ay isa sa mga supplier ng droga sa Sorsogon City at lalawigan ng Masbate.
Nakuha mula sa suspek ang apat (4) knot-tied transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na umaabot sa 300 gramo at may street value na mahigit P2,040,000.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency-Sorsogon ang suspek para sa kaukulang disposisyon.