
LEGAZPI CITY- Ikinababahala ng grupo ng mga mangingisda ang kakulangan ng suplay kung hindi mabibigyan ng solusyon ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) President Pando Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinatayang hindi bababa sa 20% ang nawawala sa kabuuang produksyon ng isda dahil sa naturang suliranin.
Aniya, labis ang pagtaas sa gastos ng mga mangingisda subalit hindi naman sila makapagtaas ng presyo sa naturang produkto dahil ang mga traders ang nagtatakda ng presyuhan.
Dagdag pa nito na kung patuloy na hindi makakapaglaot ang marami sa kanilang mga kasamahan ay siguradong magreresulta ito sa kakulangan ng suplay ng isda sa bansa.
Samantala, tinuligsa rin ni Hicap ang pili lamang na mabibigyan ng fuel subsidy na nasa 14, 947 kahit pa nasa 2.7 million ang mga registered fisherfolks sa bansa at mahigit 300,000 ang mga rehistradong motorbanca.
Kakarampot na umano ang P3,000 na ayuda ay nakapatagal pa bago ibigay sa kanilang hanay.
Sinabi ni Hicap na walang kahandaan ang pamahalaan at tila hindi seryoso sa aksyon sa pagtaas ng presyo ng langis.










