arrested
arrested

LEGAZPI CITY—Nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang lalaking suspek sa pagnanakaw ang isinagawang hot pursuit operation ng Sorsogon City Police Station sa Barangay Sampaloc, East District, Sorsogon City.

Ayon kay Sorsogon City Police Station, Chief of Police, Lieutenant Colonel Christopher Aduviso sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakita ng biktima ang itsura ng mga suspek kaya madali itong naaresto ng mga awtoridad.

Tinangka umanong nakawin ng mga suspek ang baterya na Ultra Plus N70L na nagkakahalaga ng P5,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naturang indibodwal para sa kaukulang legal na aksyon.

Dagdag pa ng opisyal na ang ninakaw na baterya ay naisumite na sa tanggapan ng piskal bilang ebidensya at ibabalik din kalaunan sa may-ari nito.

Samantala, nagpaalala rin si Aduviso sa publiko na makipag-ugnayan sa pulisya sa pamamagitan ng pag-dial sa 911 kung sakaling magkaroon sila ng emerhensya.